Nadagdagan pa ng isa ang nasawing sundalo matapos ang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu noong Lunes.
Sa ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. General Gilbert Gapay, namatay habang ginagamot sa ospital ang isa pang sugatang sundalo matapos na magtamo nang malalang tama dahil sa pagsabog.
Kaya sa ngayon umaabot na sa kabuuang 17 ang namatay, ito ay walong sundalo, isang pulis, anim na sibilyan at 2 suicide bomber.
Habang 74 ang sugatan kabilang ang 48 na sibilyan.
Kinokondena nang AFP ang nangyaring terror attack at tiniyak na mabibigyang hustisya ang mga naging biktima.
Hindi aniya magpapasindak ang AFP sa ginawang ito ng Abu Sayyaf Group sa halip mas nagpapatuloy ang combat operation ng tropa ng militar para matukoy ang mga salarin at mapigilan ang mga plano pang karahasan.
Giit nang opisyal, walang relihiyon o ideology ang maghahangad nang ganitong mga karahasan.
Payo ngayon ni Gapay sa publiko, manatiling kalmado pero maging alerto sa paligid.
Nagpaabot din nang pakikiramay si Gapay sa mga pamilya at kaibigan ng mga nasawi sa pagsabog.