Isa pang truck load ng mga ebidensya kaugnay ng maanomalyang flood control projects, inaasahang isusumite sa ICI sa susunod na linggo

Kinumpirma ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na maghahakot pa sila sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng mga ebidensya kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa susunod na linggo.

Ayon sa opisyal ng PNP-CIDG na tumangging humarap sa camera, anim na rehiyon pa ang hinihintay nilang mga ebidensya.

Ang mga nakokolektang kahon-kahon na mga ebidensya ay iniipon muna sa headquarters ng PNP-CIDG sa Camp Crame sa Quezon City bago dalhin sa tanggapan ng ICI sa Taguig City.

Una nang dumating sa tanggapan ng ICI kaninang tanghali ang 95 na kahon na naglalaman ng mga ebidensya kaugnay ng flood control projects mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ang naturang mga ebidensya ay dumating sa PNP-CIDG headquarters nitong nakalipas na weekend.

Kinumpirma naman ni ICI Executive Director Atty. Brian Keith Hosaka na may mga dokumento pang darating at kanila itong hihimayin para sa case build up sa posibleng ghost projects.

Sa ngayon, 28 ghost projects ang iniimbestigahan ng ICI.

Facebook Comments