Isa pang vaccine firm, maaaring mag-apply para sa COVID-19 emergency use

Isa pang banyagang kumpanya ang inaasahang mag-a-apply para sa emergency use ng mga bakuna nito laban sa COVID-19 sa bansa.

Ang planong Emergency Use Authorization (EUA) ng foreign vaccine maker ay una nang ibinunyag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Gavlez Jr. at Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa susunod na araw ay isa pang western company ang mag-a-apply para sa EUA.


Hindi muna binanggit ni Roque ang pangalan ng kumpanya at iginiit na hintayin na lamang ang application nito.

Sa ngayon, ang US drug manufacturer na Pfizer pa lamang ang naghain ng EUA application para sa paggamit ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Inaasahan ding mag-a-apply para sa FDA approval ang Sinopharm at Sinovac ng China.

Matatandaang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 121 na nagbibigay authority sa FDA Director General na mag-isyu ng EUA para sa mga gamot at bakuna laban sa COVID-19.

Walang ima-manufacture, ibebenta, i-aangkat, ipapadala at ipapamahaging hindi rehistradong bakuna o gamot na walang EUA, maliban na lamang kung mag-iisyu ng compassionate special permit.

Facebook Comments