Friday, January 16, 2026

Isa pang warrant of arrest laban kay Atong Ang, inilabas ng korte sa Lipa City

Sa gitna ng patuloy na paghahanap sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, panibagong arrest warrant ang inilabas ng korte ngayong araw.

Bukod sa Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court, ipinag-utos na rin ng Lipa City Regional Trial Court Branch 13 ang pag-aresto kay Ang at 20 pang indibidwal na dawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Nahaharap ang mga ito sa kasong kidnapping with homicide na walang kaakibat na piyansa.

Sa mga kasama naman ni Ang na dawit sa kaso sa Sta. Cruz, Laguna, tanging ang gaming tycoon na lamang ang hindi pa nahuhuli sa ngayon.

Kahapon nang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na itinuturing nang pugante si Ang dahil sa patuloy nitong pagtatago sa batas.

Pero ayon sa abogado niyang si Atty. Gabriel Villareal, gagamitin nila ang lahat ng legal remedies para kuwestiyunin ang batayan sa paglalabas ng arrest warrant.

Una na ring hinimok ng DOJ si Ang na humarap na lamang sa korte at patunayan ang kaniyang pagiging inosente.

Facebook Comments