Isa Patay, Dalawa Nawawala sa Nangyaring Pamamaril sa Quirino, Isabela!

2174

*Quirino, Isabela-* Patay ang isang lalaki habang pinaghahanap pa ng mga pulis ang dalawa pang kasamahan nito matapos tambangan ng apat na kalalakihan sa Brgy. Villa Miguel, Quirino, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Rustom Ortiguero, hepe ng PNP Quirino, pasado alas syete kagabi nang tambangan ng hindi pa nakikilang mga kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo ang mga biktima na kinilalang sina Arnel Rubillos, driver ng Yamaha YTX 125, residente ng B rgy Mansanita, Ipil, Tabuk Kalinga at ang angkas nito na si alyas “Amor”.


Kasama rin sa natambangan ang driver ng RS 125 na si Ferdinand Pasion at pasahero nito na si Ralph Lawrence Binosa, grade 6 student, 11 anyos na kapwa residente ng Brgy. Sta. Lucia, Quirino, Isabela.

Agad na namatay si Arnel Rubillos dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang nawawala naman ang mga kasama nito na sina Pasion a t Amor matapos tumalon sa sapa.

Nakaligtas naman sa pamamaril ang labing isang taong gulang na biktima na nakahingi ng tulong sa isang Brgy. Kagawad na si Mercy Umipig na siya namang tumawag sa pulisya.

Agad namang tumugon ang PNP Quirino sa natanggap na report katuwang ang SOCO team kung saan narekober sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng Cal 45 at isang slug, dalawang tingga ng Cal 45 at isang magazine ng Kalibre 45.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at hot pursuit operation ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente at pinaghahanap na rin ang dalawang nawawalang biktima na sina Ferdinand Pasion at alyas Amor.

Facebook Comments

From Advertisers