Isa ang patay habang 11 ang sugatan matapos sumabog ang hinihilanang Improvised Explosive Device (IED) sa loob ng isang bus sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, bumibiyahe ang bus ng Yellow Bus Line patungong Tacurong City mula sa Kidapawan City nang sumabog ang IED bandang alas-11:30 ng umaga.
Sabi ni Philippine Army 6th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Dennis Almorato, isang lalaki ang nasawi matapos magtamo ng sugat sa tagiliran.
Agad namang naisugod sa kalapit na St. Louis Hospital ang 11 pasaherong sugatan at kasalukuyang ginagamot.
Sabi ni Major Gen. Roy Galido, commander ng 6th Infantry Division, bago mangyari ang insidente ay nakakatanggap na ng mga pagbabanta ang kompanyang YBL.
Hindi pa naman natutukoy sa ngayon ang nasa likod ng pagpapasabog at kung ano ang kanilang motibo.
Ito na ang ikatlong insidente ng pambobomba ng bus sa Mindanao ngayong taon kung saan nauna na ring nakapagtala ng kaparehong pangyayari sa Maguindanao at Koronadal City.