Isa, patay habang isa ang arestado sa panloloob ng LBC branch sa Quezon City

313

Isa ang patay habang isa ang arestado matapos mabulilyaso ang tangkang panloloob sa sangay ng LBC sa kahabaan ng Matalino St., sakop ng Barangay Central.

Ayon kay Pol. Lt. Col. Alex Alberto, station commander ng Police Station 10, pumasok ang apat na suspek sa loob ng LBC na pawang mga armado saka nagdeklara ng holdap.


Nagkataon na may isang pulis ang magpapadala ng pera sa loob ng LBC na mabilis na nakapag-alarma sa mga kasamahang pulis na nasa bisinidad.

Pero sa halip na sumuko, nanlaban ang isa sa mga holdaper sanhi upang magkaroon ng shootout.

Nakasuot ng itim na jacket, itim na damit, maong na pantalon at light brown na sumbrero ang nasawing holdaper.

Arestado naman ang isa habang nakatakas ang dalawa pang holdaper.




Ayon kay Alberto, abot sa ₱70,000 ang nalimas sa LBC.

Aniya, ang naturang grupo ang nasa likod ng serye ng robbery sa mga LBC.

Pinuri ni Alberto ang mga tauhan dahil nagbunga ang matagal na surveillance sa naturang grupo.

Facebook Comments