
CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isang babae habang sugatan ang kasama nitong lalaki matapos na mahagip ng isang bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Castillo, Echague, Isabela noong ika-26 ng Enero.
Ang nasawi ay kinilalang si Angelique Kendica, estudyante, residente ng Brgy. Castillo, Echague habang ang sugatan na siyang driver ng motorsiklo ay kinilalang si Ryan Galande, residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa imbestigasyon ng pulisya, parehong binabaybay ng bus at motor ang direksyon patungo sa Barangay San Fabian sa bayan ng Echague kung saan nasa unahan ang motorsiklo.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nagsignal light ang motorsiklo para sana pumasok sa kaliwang bahagi ng kalsada ng bigla na lamang itong nahagip ng bus na noon ay nag-overtake.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Kendica at Galande kaya’t agad silang dinala sa pagamutan subalit sa kasamaang palad ay idineklarang dead on arrival (DOA) si Kendica.