
Patay ang 22-anyos na lalaki habang sugatan ang kaibigan nito sa rambulan ng dalawang grupo sa isang lamay sa Barangay Maysilo, Malabon City nitong Huwebes.
Base sa imbestigasyon ng Malabon PNP, nag-ugat ang alitan dahil sa biruan ng dalawang grupo na magkakapitbahay na naidulog naman sa barangay.
Inakala umano ng mga biktima na makikipagsundo na ang mga suspek kaya pumunta ang mga ito sa lugar ng insidente ngunit doon na nagsimula ang panggugulpi sa kanila.
Depensa naman ng isa sa mga suspek na hinabol umano ng magkakaibigang biktima ang isa nilang kamag-anak na naging simula ng rambulan.
Matinding pinsala sa ulo matapos hatawin ng tubo at saksak sa katawan ang tinamo ng 22-anyos na biktima na siyang ikinasawi nito na nadamay lang umano sa nasabing gulo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek habang nagpapagaling naman ang sugatan na kaibigan ng biktima.