Isa, patay matapos aksidenteng mahulog sa ipinapatayong NSB

Kinumpirma na ng Senado ang nangyaring insidente kagabi kung saan isa ang nasawi matapos mahulog sa ipinapatayong New Senate Building (NSB).

Sa inilabas na official statement ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Jose Bañas, agad na ipinaalam kay Senate President Chiz Escudero ang insidente at agad na ipinag-utos ang masusing imbestigasyon.

Batay sa report mula sa security team ng Senado na nasa site at mula sa Southern Police District (SPD), pumasok ang biktima na hindi muna pinangalanan sa construction area ng gusali bandang alas 9:30 kagabi.


Ang biktimang nasawi ay hinahabol ng kaniyang kasamahan at ng mga security guards pero sa loob ng isang oras ay hindi ito matagpuan kahit sa CCTV ay hindi rin ito ma-locate.

Bandang alas 10:00 ng gabi nang aksidenteng mahulog ang biktima sa north tower ng New Senate Building pero hindi pa matukoy kung anong palapag ito nahulog.

Agad namang ipinag-utos ng Senado ang paghihigpit ng seguridad sa lahat ng entry at exit points at facade barriers ng NSB upang hindi na muling malusutan at mangyari ang kaparehong insidente.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang senado sa pamilya ng biktima.

Facebook Comments