Isa, patay matapos maaksidente ang sinasakyang van ng PCG frontliners sa Batangas

Nakikiramay ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pamilya ng nasawi nilang tauhan na isang frontliner.

Ito’y makaraang sumabog ang gulong ng multi-purpose van ng PCG sa STAR Tollway sa Ibaan, Batangas.

Kinilala ang biktima na si Apprentice Seaman (ASN) Cenen Epetito, na dead on arrival sa Batangas Healthcare Specialists Medical Center habang nananatili sa intensive medical supervision ang kasama nito na si ASN Adrian Añonuevo.


Sa report ng PCG Headquarters sa Maynila, alas-2:43 kahapon nang maaksidente ang van ng PCG District – Southern Tagalog matapos na sumabog ang gulong.

Bukod sa dalawang biktima, kabilang sa mga frontliner na sakay ng van ay sina Seaman Second Class (SN2) Pacifico Casipi, SN2 Erdie Rojales, ASN Rouin Alvarez, ASN John Kristopher Mojica at Candidate Coast Guard Man (CCGM) McLester Saguid na nasa maayos na kalagayan.

Nabatid na patungo sana sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para tumulong sa “Bayanihan Repatriation” program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), Filipino seafarers at mga papauwing mga Filipino nang sila ay maaksidente.

Tinitiyak ng PCG na ipagkakaloob ang lahat ng ayuda sa naulilang pamilya ng nasawi nilang tauhan na kabilang sa mga bayaning frontliners na lumalaban sa COVID-19 pandemic para sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments