ISA, PATAY SA KARAMBOLA NG 4 NA SASAKYAN SA ISABELA

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang menor de edad na lalaki habang sugatan ang iba pa sa naganap na karambola ng 4 sasakyan sa kahabaan ng pambansang lansangan sa barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), sangkot sa nangyaring aksidente ang isang Isuzu Trailer truck na may plakang RLE-949 na may kasamang trailer bed na minamaneho ni Denny Duque, 43 taong gulang, may asawa, residente ng Zone 2, Brgy. Pinopoc, Alcala, Cagayan; isang Toyota Wigo na may plakang DAN-8006 na minamaneho ni Jonas Christopher Baligod, 21 taong gulang, binate, negosyante, residente ng brgy. Magsaysay, Naguillian, Isabela kasama ang pasahero na si Roberto Mamauag, 17 taong gulang, carwash boy at residente naman ng San Pablo, Cauayan City, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas dose kaninang madaling araw, April 11, 2021; bumabaybay sa lansangan ang Trailer truck patungong Cauayan City proper habang patungong Reina Mercedes naman ang Wigo.


Nang makarating sa harapan ng isang warehouse, umikot sa kabilang linya ang Wigo na sakto namang paparating ang Trailer truck.

Sumalpok sa trailer truck ang Wigo hanggang sa nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng truck at bumangga sa mga nakaparadang Isuzu Forward truck na may plakang ABK-7405 at puting Suzuki Jimny na may plakang BAA-2436 na pagmamay-ari ni Mark Leo Usal ng Cabaruan, Cauayan City.

Sa tindi ng salpukan, nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang drayber at pasahero ng Wigo na agad namang isinugod ng rumespondeng Rescue 922 sa ospital para sila’y mabigyan ng karampatang lunas subalit idineklarang dead on arrival (DOA) si Mamauag.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng trailer truck para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments