Isa, Patay sa Salpukan ng Motorsiklo sa Ilagan City, Isabela!

*Cauayan City, Isabela-* Agad na binawian ng buhay ang isa sa drayber ng dalawang motorsiklo nang magsalpukan ang mga ito sa kahabaan ng pambansang lansangan sa bahagi ng Barangay Marana 1st, Ilagan City, Isabela.

Nakilala ang nasawi na drayber ng Royal Mio na si Joey Fernandez, 45-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. San Isidro, City of Ilagan, Isabela.

Habang ang isa pang sangkot sa naturang salpukan ay isa rin Mio Sporty single motorcycle na minamaneho naman ni Christian Miguel, 21-anyos, binata, at residente ng Brgy. San Juan, Delfin Albano, Isabela.


Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na nag-overtake umano si Fernandez sa sinusundang trailer truck hanggang sa magpang-abot ang dalawang motorsiklo na sanhi ng kamatayan ni Fernandez.

Nagtamo naman ng gasgas sa katawan si Miguel maging ang kanyang backrider na si Magno Rodriguez na kapwa nagpapagaling sa isang pagamutan sa naturang Lungsod.

Posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Homicide, Physical Injury and Damage to Property si Christian Miguel.

Facebook Comments