Isa sa 5 Kataong Nahuli sa Pagsusugal, Aksidenteng Nabaril

Cauayan City, Isabela- Aksidenteng nabaril ang isang lalaki na nagsusugal matapos magtangkang takasan ang mga rumespondeng pulis sa Brgy. Baraccaoit, Gattaran, Cagayan.

Kinilala ang nabaril sa kaliwang hita na si Sherwin Orpilla, 30 anyos at kasama sa mga nahuli sina Rodolfo Balanza, 34 anyos, Allan Villanueva, 42 anyos, Sony Jay Tomas, 29 anyos, Greg Mape, 32 anyos pawang mga residente ng barangay Baraccaoit.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang PNP Gattaran na may nangyayaring sugal sa lamay ng isang Carlo Calumag.


Nang magtungo ang mga pulis sa lamay ay naaktuhang nagsusugal ang mga suspek at tinangkang tumakas ng mga ito subalit bigong makaiwas sa mga pulis.

Kaugnay nito, inatake umano ni Orpilla ang isang pulis at inagaw ang baril subalit nakailag ang pulis at aksidente umanong naiputok ang baril at tumama sa hita ng biktima.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang iba pang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Iniimbestigahan rin ng pulisya ang nangyaring insidente.

Facebook Comments