Nakalusot sa Chinese Coast Guard ang isa sa cargo ship na kasama sa civilian Christmas convoy na magbibigay ng regalo sa mga sundalo na nakatalaga sa Lawak Island sa West Philippine Sea.
Nabatid na bumalik sa El Nido, Palawan ang civilian Christmas convoy na inorganisa ng Atin Ito Coalition matapos na palibutan at buntutan ng mga Chinese vessel kahapon ng hapon.
Pero sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni Atin Ito Coalition Spokesperson Edicio dela Torre na nakalusot ang M/V Chowee at ngayon ay nasa Lawak Island na ito.
Ayon kay Dela Torre, magaling ang kapitan ng M/V Chowee kaya hindi ito napansin ng mga Chinese Coast Guard na abala sa pagtataboy sa ibang kasama sa Christmas convoy.
Bagama’t hindi bumalik ang Christmas convoy, sinabi ni Dela Torre na ibibigay na lang nila ang supplies sa Philippine Coast Guard para sila na ang maghatid sa mga mangingisda at mga sundalo.
Bukod sa pagbuntot, nagsagawa pa ang mga Chinese vessel ng delikadong pag-maneobra na nagdulot ng banta sa kaligtasan ng mga sibliyan.
Muntikan na ring banggain ng China Coast Guard Vessel ang barko ng Pilipinas at dumikit pa ito sa sinasakyan ng ‘Atin Ito’ maging ang escort nila na BRP Melchora Aquino.
Bago niyan, sinabi ng convoy na binago nila ang ruta matapos bombahin ng tubig ng China ang mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng regular na rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.