Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang sinasabing isa sa mga gunmen sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na si Police Staff Sgt. Noel Alabata.
Ang nasabing gunman ang siya ring tinukoy kahapon ng ilang biktima ng pananakot at pagpatay sa lalawigan na iniuugnay kay suspended Cong. Arnolfo Teves Jr.
Sa pagdinig ngayong araw ay napag-alaman na aktibo pa rin si Alabata sa kanyang pagiging pulis na kasalukuyang nakatalaga sa PNP-Drug Enforcement Group-Region 6.
Naunang nakulong si Alabata noong March 21 sa assassination attempt nito sa mga may-ari ng maliit na tocino restaurant sa Dumaguete kung saan nabaril sa leeg at na-comatose pa nang dalawang linggo ang police personnel.
Nang makalabas ng ospital ay nakulong din si Alabata pero napiyansahan din ito kalaunan sa ilalim ng ibang pangalan na Alfonso Tan.
Magkagayunman, mistulang nagka-amnesia si Alabata dahil lahat ng nangyari sa kanya noong March 2021 ay hindi niya matandaan.
Depensa ni Alabata, nasa Dumaguete siya ng panahon na iyon para dalawin ang puntod ng kanyang ama na doon nakalibing at wala na siyang matandaan sa mga sumunod na insidente.
Itinatanggi rin ng pulis na nabaril siya sa leeg ng may-ari ng kainan noong nagkagulo na pero batay sa inilabas na dokumento na galing sa doctor na sumuri kay Alabata, may tama ito sa leeg nang maagaw ng may-ari ang dala nitong baril at nagkaroon din ng tama sa ulo nang kuyugin ng mga sibilyan doon sa lugar.
Pinagtatakahan din ng mga miyembro ng komite kung saan nakuha ni Alabata ang piyansa noon na aabot sa P120,000 at paano siya nagkaroon ng abogado na hindi basta-basta makukuha ng isang ordinaryong tao.