Isa sa lider ng Kamara, nanawagan na i-postpone muna ang pasukan ngayong taon habang wala pang bakuna sa COVID-19

Nanawagan si Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. sa pamahalaan na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase ngayong School Year 2020-2021 hangga’t wala pang bakuna na nalilikha laban sa COVID-19.

Kaugnay dito ay inihain ni Gonzales ang House Resolution 876 na humihimok sa gobyerno na i-postpone muna ang pasukan ngayong taon sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa bansa.

Ang resolusyon ay nai-refer na rin sa Defeat COVID-19 Committee ni Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez.


Layunin ng resolusyon na kunin ang pagsang-ayon ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Inter-Agency Task Force on Emerging Infection Diseases (IATF-EID) para irekonsidera ang planong pagsisimula ng pasukan sa August 24, 2020.

Giit ng kongresista, imposible na magawa sa maraming probinsya ang isinusulong na distance learning ng DepEd dahil karaniwang mahina ang signal sa mga malalayong lugar.

Punto pa nito, kahit sa mga mauunlad na siyudad at bayan ay hindi rin reliable ang internet at mobile phone communication.

Naniniwala ang mambabatas na kailangan pa rin ang face-to-face classes para matuto ang mga bata, ngunit sa ngayon ay hindi muna ito maaaring gawin hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments