Isa sa mga abogado ni VP Robredo, walang nakikitang problema sa inilabas na kautusan ng Presidential Electoral Tribunal; Kampo naman ni dating Senador Bongbong Marcos, nangangamba na baka matagalan lalo ang desisyon sa inihain nitong electoral protest

Welcome para sa kampo ni Vice President Leni Robredo ang bagong kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) upang mas mapabilis pa ang resulta sa inihaing poll protest ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Ayon sa isa sa mga abogado ni Robredo na si Atty. Beng Sardillo, susunod sila sa kautusan ng PET kung saan hihintayin nila ang komento ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Solicitor General (SolGen).

Kumpiyansa ang kampo ng Bise Presidente na idedeklarang panalo ng PET si VP Leni lalo na’t lumamang ito ng 15,000 na boto sa recount ng balota sa taltong probinsiya na pinili mismo ni Marcos at kanilang iginigiit na matagal nang natalo ang dating senador.


Samantala, nangangamba ang kampo ni Marcos na maaaring maubusan na sila ng panahon kung hindi pa rin maglalabas ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa inihain nitong election protest kasunod ng bagong kautusan ang PET.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, dalawang taon na lang ang natitira bago ang 2022 elections at hanggang ngayon ay hindi pa rin napapag-desisyunan ang protesta nito kung saan maaari itong maging “moot and academic” na.

Aniya, hindi na malalaman ng publiko kung sino ang totoong nanalo sa pagka-Bise Presidente sakaling simulan na ang pagpa-file ng candidacy, kampanya at national elections.

Facebook Comments