Isa sa mga account holder na dinaanan ng ransom money sa pagdukot at pagpatay kay Anson Que, konektado sa naarestong Chinese national ng NBI na sangkot sa espionage

Isa sa mga personalidad na kasama sa money trail ng ransom money sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que ay may kaugnayan din sa espionage suspect na naaresto kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, base sa money trail investigation lumabas na may sampung e-wallet accounts na dinaanan ng ransom money.

Kung saan ginamit ang mga account sa pamamagitan ng mga junket operator na 9 Dynasty at White Horse Club, bago tuluyang i-convert sa cryptocurrency na may kinalaman sa mga hindi pa matukoy na accounts.

Ani Fajardo, isa sa mga account holder na ito ay ang Chinese national na si Lin Ning, na may nakaraang transaksiyon sa isa pang Chinese na si Ni Qinhui, ang espionage suspect na inaresto ng NBI nitong February 26, 2025.

Dahil sa paglitaw ng koneksiyon na ito, kakalampagin ng PNP ang National Security Council upang tumulong sa mas malawak na imbestigasyon.

Gayunpaman, nilinaw ng Pambansang Pulisya na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang direktang ebidensya na may kaugnayan ang kaso ng espionage sa pagdukot at pagpatay kay Anson Que.

Facebook Comments