Humarap sa imbestigasyon ng Senado ang isa sa mga Pilipinong incorporators o kasosyo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Hongsheng Gaming Technology Inc.
Boluntaryong humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women si Merlie Joy Manalo Castro matapos na magpatulong sa tanggapan ni Committee Chairperson Risa Hontiveros.
Ayon kay Castro, nalaman lang niya ang tungkol sa Hongsheng nang padalhan siya ng imbitasyon sa e-mail para dumalo sa pagdinig ng Senado kung saan sumagot din siya na hindi siya makararating dahil sa trabaho.
Iginiit ni Castro na wala siyang alam at kaugnayan sa Hongsheng at nalaman na lang niya ang tungkol sa kompanya nang mag-research at mapanood ito sa telebisyon.
Mariin ding sinabi ni Castro na wala rin siyang kakayahan na maging incorporator dahil ordinaryong empleyado lamang din siya na noo’y nagmay-ari ng isang maliit na computer shop sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.
Aniya pa, peke rin ang kanyang lagda na makikita sa “articles of incorporation” ng Hongsheng at hindi rin niya malaman kung papaano nailagay roon ang kanyang pangalan.
Tatlo pa sa nasa listahan ng incorporators ang kilala ni Castro na sina Thelma Laranan, Rowena Evangelista, at Rita Yturralde na pawang mga nagtitinda sa palengke sa bayan din ng Concepcion.