Isa sa mga sakay ng fuel tanker na lumubog sa karagatang sakop ng Limay, Bataan, patuloy na pinaghahanap ng PCG

Isinasagawa na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations sa isa sa 17 crew ng Motor Tanker (MT) Terra Nova matapos lumubog sa karagatang sakop ng Lamao Point, Limay, Bataan.

Ayon kay PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando, patuloy ang operasyon ng BRP Melchora Aquino para mahanap ang nasabing crew kung saan ang 16 na kasama nito ay nasagip na habang apat sa kanila ay kinakailangan pa ng atensyon medikal.

Dagdag pa ni Balillo, ang lumubog na tanker ay may 1.4 metric tons ng industrial fuel oil kung saan kumalat ito sa karagatan.


Sa isinagawang aerial survey ng Coast Guard Aviation Command, nagkaroon ng oil spill sa 5.6 nautical miles sa silangang bahagi ng Lamao Point.

Sa kasalukuyan, gumagawa na ng paraan ang mga tauhan ng marine environmental protection para mapigilan ang pagkalat ng oil spill.

Dagdag pa ni Balillo, patungo sana ng Iloilo ang naturang tanker nang lumubog ito kahit pa wala naman naitatalang masamang lagay ng panahon.

Dahil dito, ipinag-utos na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang malalimang imbestigasyon sa naturang insidente.

Facebook Comments