Isa sa mga Suspek na Nanunog ng mga VCM at Balota, Sumuko!

*Jones, Isabela- *Kusang sumuko sa kanilang Brgy. Kapitan ang isa sa pitong suspek na sumunog sa dalawang Vote Counting Machine (VCM) at mahigit kumulang 200 na mga balota noong martes ng umaga, May 14, 2019 sa Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela.

Sa inisyal na report na nakuha ng 98.5 RMN Cauayan, nagsurender ang isa sa mga suspek na kinilalang si Rodel Babaran Pascual, 34 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela.

Napag-alaman umano ni Pascual na tinutugis siya ng mga otoridad kaya’t kusa nitong isinuko ang sarili.


Ganap na 10:30 ng umaga kahapon nang siya ay dalhin sa kustodiya ng PNP Jones kung saan kinilala rin ito ng mga nakakita sa insidente.

Nabatid din ng kapulisan na may kaugnayan ang ginawang panununog sa dalawang VCM at mga balota sa bayan ng Jones habang dinadala sa kabisera ng naturang bayan mula sa mga clustered precincts ng Barangay Dicamay Uno at Dicamay Dos sa narekober na pick-up na sinunog naman sa Brgy. Quezon, San Isidro, Isabela.

Magkatugma rin kasi ang ilang parte ng sasakyan na nakuha sa pinagsunugan ng VCM at balota sa sinunog na pick-up na umano’y ginamit ng mga suspek sa panununog sa Jones.

Sa ngayon ay patuloy pa ang hot pursuit operation ng mga otoridad sa iba pang suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga salarin.

Facebook Comments