Patay ang isa sa pinaniniwalaang sangkot sa pag-ambush sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr., noong Biyernes.
Sa report ni Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director ng Police Regional Office, Bangsamoro Autonomous Region sa Kampo Krame, nagkasa ng hot pursuit operation ang Maguing Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur Police Provincial Office, at Provincial Intelligence Unit na nagresulta sa pagkakapatay sa suspek na si alyas Otin o fighter.
Narekober sa pag-iingat nito ang colt MK IV caliber 45 pistol na mayroong 6 na live ammunitions.
Kasunod nito, sinabi ng PNP chief na tuloy-tuloy ang imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente at tiniyak na papanagutin ang mga nasa likod nito.
Matatandaan nitong Byernes, tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., sa Kalilangan, Bukidnon kung saan sugatan ang gobernador maging ang kanyang aide pero nasawi naman ang apat niyang bodyguards.