Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na maging state witness sa kaso ng pagpatay sa beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at kasintahang Israeli na si Yitshak Cohen ang isa sa mga suspek.
Ayon kay PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo mahalaga ang isiniwalat na impormasyon ng naturang suspek na naging daan para marekober ang mga labi ng dalawang biktima sa quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac nitong Sabado, July 6, 2024.
Ani Fajardo, ang isa sa mga suspek na si alyas “Jun-jun” ang syang nagmaneho ng sasakyan kung saan lulan ang labi ng mga biktima na kalauna’y nadiskubreng sunog ng mga awtoridad.
Paliwanag ni Fajardo, hindi lamang sila dedepende sa salaysay ni aluyas “Jun-jun” bagkus dapat ito ay may backup na mga forensic evidence para masiguro na matibay ang kaso.
Sinabi pa ni Fajardo na isusumite nila sa korte ang lahat ng mga kaukulang ebidensya at dokumento para sa aplikasyon ni alyas “Jun-jun” na maging state witness.
Mayroon na rin aniyang ibinigay na seguridad ang Special Investigation Task Group sa pamilya ng sumukong suspek.
Una nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP na ang utak sa pagpatay sa magkasintahan ay ang mga dismissed na pulis na sina Michael Guiang at Rommel Abuso.