Matapos ang anim na taong pagtatago, bumagsak na rin sa kamay ng batas ang isa sa mga itinuturong kasabwat sa pagpaslang sa negosyanteng si Dominic Sytin noong 2018.
Ayon kay Philippine National Police Spokesperson at PRO 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, ang suspek na si Ryan Rementilla alias Oliver Fuentes ay naaresto sa Buhanginan Hills, Pala-o, Iligan City nitong March 22, dakong 10:30 ng gabi.
Sinabi ni Fajardo na matapos masakote ang suspek, agad itong inilipat sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga, kung saan siya isasalang sa arraignment at pre-trial sa korte para sa mga kasong murder at frustrated murder.
Una nang naaresto ang gunman sa kaso noong 2019 at ngayo’y nasa New Bilibid Prison na.
Ani Fajardo, malapit nang maresolba ang kaso ng pagpatay kay Sytin matapos ang pagkakaaresto ni Rementilla.
Matatandaang si Sytin na CEO ng United Auctioneers Inc. (UAI), ay pinaslang noong Nobyembre 28, 2018, sa harap ng isang hotel sa Subic kung saan sugatan din sa insidente ang kanyang bodyguard.