Isa sa pangunahing suspek sa pagpatay kay Horacio Castillo, nakaalis na ng bansa

Manila, Philippines – Nakaalis na ng bansa ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Horacio Castillo III na hinihinalang biktima ng hazing.

Base sa record ng Bureau of Immigration, isang Ralph Caballes Trangia na may date of birth na November 10, 1995 ang bumiyahe sakay ng Eva Air Flight BR262 patungo ng Taipei.

Si Ralph Trangia ay nakaalis ng Pilipinas nitong September 19, isang araw bago makapagpalabas ang Department of Justice ng Immigration Lookout Bulletin laban sa 16 na myembro ng Aegis Juris Fraternity.


Kasama si Trangia sa lookout bulletin at kasama rin siya sa pinangalanan ni Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel na isa sa tatlong pangunahing suspek sa pagpatay kay Castillo.

Anak si Ralph ni Antonio Trangia na registered owner ng Mitsubishi Strada na may plakang ZTV 539 na umano’y ginamit sa pagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng MPD na nagsabwatan sina John Paul Solano at ang mag-amang Ralph at Antonio Trangia para mailihis ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pagpatay kay Castillo.

Facebook Comments