*Cauayan City, Isabela- *Binasag na ni Isabela Governor Rodito Albano III ang kanyang pananahimik hinggil sa pagtanggal at pagpapahinto sa operasyon ng healthcare program ng Lalawigan.
Ayon sa Gobernador, ito’y dahil sa pagkakaroon na ng Universal Healthcare program ng bansa kaya’t hindi na umano ito kailangan.
Mas mainam anya kung palalawakin at pagagandahin nalang umano ang mga District hospitals sa lalawigan na siyang tutugon sa pangangailangang medikal ng mga Isabelino.
Paliwanag pa ni Gov. Albano na isa rin sa dahilan nito ay dahil sa iilan nalang na mga bayan ang nagbabayad ng kanilang premiums sa healthcare kayat nalugi na umano ito.
Magugunita na noong katapusan ng buwang Agosto ay naglabas ng kautusan si Gov Albano na nagpapahinto sa operasyon ng healthcare program ng pamahalaang panlalawigan na nagsimula sa panahon ni dating Governor Faustino ‘Bojie’ Dy III na kasalukuyan bise Gobernador ng Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Albano, kanyang ipinaalala sa lahat at pinasaringan ang ilan na bawal umano sa Isabela ang tamad at magsamantala sa pondo ng gobyerno at sa taong bayan.