Sinampahan ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman si incumbent Governor Rodito Albano ng Isabela at ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan.
Ang nagsampa ng kaso ay ang dating mayor ng Angadanan, Isabela na si Noli Syquian.
Inaakusahan ni Syquian si Albano at ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng pagsasabwatan o conspiracy sa overpriced procurement ng maraming mini dump trucks at dropside trucks mula June 2020 hanggang April 2021.
Kasama sa mga kinasuhan ng dating Angdanan mayor at ang iba pang opisyal Isabela na sina Rodrigo Sawit, bids and awards committee chairman; John Ryan Torio, legal officer; Virgilio Lorenzo, engineer; Maria Theresa Araneta-Flores, treasurer, at Marilyn Lopez, internal audit and control office chief.
Batay sa reklamo ni Syquian, overpriced ang P100,122,000 sa pagbili ng 407 na mini dump trucks, at P19,668,000 para sa 66 dropside trucks.
Nadehado umano ang gobyerno sa overpriced purchases at binigyan ng unwarranted benefit at advantage ang winning bidder na Stonebrothers Inc.
Ani Syquian, isinampa niya ang kaso bilang concerned citizen ng Isabela.
Hindi umano ito politically motivated dahil hindi naman siya kumakandidato sa 2022 local elections.