Isabela, Nakapagtala ng Bagong Guinness Book of World Record!

*Ilagan City, Isabela- *Nakapagtala sa Guinness Book of World Records ang Lalawigan ng Isabela na may pinakamaraming bilang ng mga street dancers na sabay-sabay na nagsayaw habang nakasuot ng scarecrow sa Isabela Sports Complex kahapon.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, personal na tinanggap nina Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III at Vice Governor Tonypet Albano ang pagkilala mula sa adjudicator ng Guinness.

Sinaksihan naman ng mga kinatawan ng Guinness ang sabayang pagsasayaw ng mga Isabelinos na nagpakita ng talento sa pagsasayaw at pagiging malikhain sa paggawa ng kanilang mga costumes kasabay ng Bambanti Festival 2019.


Ayon sa adjudicator ng Guinness Book of World Records ay pumalo sa 2, 495 street dancers mula sa 25 contingents na nakasuot ng scarecrow na sabay-sabay na sumayaw ang naitala mula sa dating record na dalawang libo lamang.

Facebook Comments