Cauayan City, Isabela- Nasa 2.5% ng mag-asawa sa buong Region 2 ang gumagamit ng withdrawal method sa kanilang family planning.
Ito ang lumabas sa datos na isinagawa ng Commission on Population (POPCOM) Region 2.
Ayon kay Regional Director Herita Macarubbo, hindi ligtas o safe ang nasabing pamamaraan ng tamang pagpapamilya dahil posible umano na bago pa man magawa ang naturang method ay maaaring nagkaroon na ng ‘pre-ejaculate’ o inisyal na paglabas ng likido sa ari ng isang lalaki sa loob ng katawan ng babae habang nagtatalik na dahilan ng pagdami ng mga nabubuntis.
Dahil sa paraang ito, hinihimok ni Macarubbo ang mag-asawa na gumamit ng ibang paraan sa family planning method gaya ng paggamit ng condoms at pag-inom ng pills.
Bukod dito, lumabas naman sa datos ng POPCOM na mayroong 10.9% unmet need ng family planning o ang ibig sabihin ay gustong gumamit ng family planning method ang isang babae pero takot ang ilan dahil sa sinasabing side effects.
Inihayag pa ni Macarubbo na 63.4% ng mag-asawa sa rehiyon dos ang ayaw na umanong magkaroon pa ng anak.
Samantala, batay sa huling census ay nadagdagan ng 202,000 ang populasyon sa Region 2 simula noong 2015 hanggang 2020.
Naitala naman sa Isabela ang 2.3% na may malaking bilang ng teenage pregnancy, sinundan ng Nueva Vizcaya na mayroong 2.2%, Cagayan at Batanes na parehong may 1.55 at Quirino Province na mayroon namang 1.4%
Mula sa 4 na siyudad sa Cagayan Valley, nanguna ang City of Ilagan, sinundan ng Cauayan City, Santiago City at Tuguegarao City na may mataas na bilang ng teenage pregnancy.