Isabela PPO, Pinangunahan ang Motorcade at Peace Covenant sa Jones, Isabela!

*Jones, Isabela- *Matagumpay na isinagawa ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang motorcade at Peace Covenant para sa Usapang Simbahan at Pulis (USAP) sa Jones, Isabela sa pangunguna ni Provincial Director PSSupt. Mariano Rodriguez.

Nagsimula ang aktibidad bandang 5:30 ng umaga, March 22, 2019 na dinaluhan ng mahigit kumulang 250 riders.

Dumalo rin sa USAP si Regional Director PCSupt Jose Mario Espino kasama si Atty Julius Torres, ang Regional Director ng COMELEC, mga miyembro ng AFP sa pangunguna ni COL. Laurence Mina, Clean Riders, mga kandidato ng Jones, Isabela at ang representante ng Simbahan na si Rev. Father Saturnino Talosig, parish priest ng Holy Rosary Parish Church na siyang nagdaos ng banal na misa.


Layunin ng USAP na mabigyang pansin ang bayan ng Jones na nakategorya bilang “Red Area o Area of grave concern” ngayong 2019 Mideterm Elections.

Kaugnay nito, hinikayat ng mga alagad ng batas, COMELEC at pinuno ng simbahan ang publiko na magkaisa at magtulungan para mapuksa ang paglaganap ng terroristang grupo ng NPA sa lugar na naging dahilan ng pagkasali ng Jones sa listahan ng mga Red Areas/Election Areas of Concern sa Bansa.

Inihayag pa ni PCSupt Espino na malaking hamon ito para sa PNP, AFP at COMELEC na panatilihin ang kapayapaan at makamit ang malinis na halalan sa bayan ng Jones sa darating na Eleksyon.

Samantala, hinikayat naman lahat ng mga kandidato at mamamayan ng Jones na ideposito muna sa PNP ang kanilang baril na lisensyado man o paso ang lisensya upang maiwasan ang anumang karahasan na pwedeng maidulot nito pagdating ng kampanya at Eleksiyon.

Facebook Comments