Cauayan City, Isabela- Walang naitalang casualty sa pagtama ng bagyong ‘Pepito’ sa Lalawigan ng Isabela na naglandfall dakong alas nuebe kagabi sa Casiguran, Aurora.
Batay sa monitoring ng Isabela Police Provincial Office, nasa sampung (10) Overflow bridges sa Isabela ang hindi pa rin madaanan dahil sa mataas na antas ng tubig sa ilog gaya ng Baculud at Cabisera 8 Overflow Bridges sa City of Ilagan, Cansan Overflow Bridge na kumukonekta sa bayan ng Cabagan at Sto. Tomas, Mozzozzin Sur Overflow Bridge na kumukonekta sa Cabagan at Sta Maria, Alicaocao Overflow bridge sa Cauayan City, Annafunan at Gucab Oveflow bridges sa Echague, Sto Domingo overflow bridge sa Quirino, Sinaoangan Norte at Masaya Sur Overflow bridges sa bayan ng San Agustin.
Tinatayang aabot naman sa pitumpu’t anim (76) na pamilya o dalawang daan at pitumpu’t limang (275) indibidwal ang inilikas kagabi patungo sa mga evacuation centers na mula sa mga coastal towns at flood prone areas sa Isabela.
Inaasahan naman ang pagpapakawala ng tubig ng National Irrigation Administration mula sa Magat Reservoir mamayang ala una ng hapon kaya’t pinapayuhan ang mga nasa low-lying areas na maging alerto at paghandaan ang magiging epekto nito.
Batay sa weather bulletin ng PAGASA as of 5AM ngayong araw, ibinaba na sa Signal No. 1 ang southern portion ng Isabela na kinabibilangan ng dalawang (2) Lungsod at dalawampu’t dalawang (22) bayan gaya ng Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Burgos, San Manuel, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo, Angadanan, Alicia, San Mateo, Ramon, San Isidro, Echague, San Agustin, Jones, Santiago City, at Cordon.