ISABELEÑO NA PRIDE NG CAGAYAN VALLEY SA PALARONG PAMBANSA 2025, NAKASUNGKIT NG SILVER MEDAL

Cauayan City – Nakasungkit ng silver medal ang batang Isabeleño mula sa bayan ng San Mariano na pride ng Cagayan Valley sa Palarong Pambansa 2025.

Sa kategoryang 5000 meters sa ilalim ng Secondary Boys, ipinamalas ni Elmer C. Dizon ang husay, bilis, at determinasyon sa track na nagbigay karangalan sa kanyang bayan at buong lalawigan.

Bagamat hindi nasungkit ang gintong medalya, itinuturing na malaking tagumpay ang pagkapanalo ni Dizon ng pilak, lalo na’t ito ang kanyang unang pagkakataon na sumali sa pambansang kompetisyon.

Ayon sa kanyang mga coach at tagasuporta, matagal nang nagpapakita ng potensyal si Elmer sa larangan ng track and field. Sa kabila ng kakulangan sa kagamitan at pasilidad sa kanilang bayan, hindi ito naging hadlang para maabot niya ang kanyang pangarap at makapagbigay ng karangalan sa Isabela.

Sa suporta ng lokal na pamahalaan at komunidad, inaasahang mas marami pang kabataang Isabeleño ang mag-aangat ng bandera ng rehiyon sa mga susunod na taon.

Facebook Comments