ISABELINO ATHLETE MULA CORDON, NAG-UWI NG GINTONG MEDALYA

CAUAYAN CITY – Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ng batang atleta mula sa Cordon, Isabela matapos masungkit ni Angel Agapito ang gintong medalya sa high jump event sa Secondary Girls Division ng Palarong Pambansa 2025.

Ipinamalas ni Angel ang galing at determinasyon sa entablado ng pambansang paligsahan na ginanap sa Ilocos Norte, kung saan kanyang tinalo ang mga pambato mula sa iba’t ibang rehiyon. Ito ang ikalawang gintong medalya para sa Region II sa kasalukuyang edisyon ng palaro.

Hindi lamang personal na tagumpay ang hatid ni Angel, kundi karangalan para sa buong bayan ng Cordon. Ang kanyang tagumpay ay patunay na ang sipag at dedikasyon ng mga kabataang Cordonians ay maaaring magbunga ng pambansang pagkilala.

Ang buong Cordon ay nagdiriwang at buong pusong sumusuporta kay Angel, na ngayo’y nagsisilbing inspirasyon sa kabataang nangangarap makamit ang tagumpay sa larangan ng palakasan.

Facebook Comments