Isang abogado ang nagsampa rin ng petisyon sa Supreme Court (SC) para kuwestiyunin ang legalidad ng “no-contact apprehension policy’ ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Hiniling ni Atty. Juman Paa sa SC na ideklarang ‘unconstitutional’ ang nasabing polisiya ng Maynila at ipatigil ang pagpapatulad ng Ordinance No. 8676 hinggil dito.
Sinabi ni Paa na iparerehistro sana niya ang kaniyang sasakyan sa Quezon City nitong Hunyo ngunit sinabihan siya ng Land Transportation Office na kailangan muna niyang bayaran ang multa sa kanyang traffic violations na aabot sa ₱20,360.
Ikinatwiran sa SC ni Paa na nalabag ang kaniyang karapatan sa ‘due process’ dahil sa nawalan siya ng oportunidad na maghain ng protesta o makasunod sa 10-araw na administrative protest na nakapaloob sa ordinansa.
Una na ring naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang iba pang transport groups para kuwestiyunin ang ligalidad ng no-contact apprehension’ ng Land Transportation Office (LTO) at ng ilang local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).