Isang araw bago ang pagbabalik ng klase; Higit 43,000 na pasahero sa mga pantalan sa buong bansa, naitala ng PCG

Patuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa buong bansa, isang araw bago ang muling pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.

Sa pinakahuling datos ng Philippine Coast Guard (PCG), umaabot na sa 43,287 ang kabuuang bilang ng mga pasahero, kung saan 22,392 dito ang outbound passengers at nasa 20,895 naman ang inbound passengers.

Para manatiling ligtas ang biyahe, nagtalaga ang PCG ng 2,454 na tauhan sa 15 distrito nito.


Ininspeksyon din ng coast guard ang 807 na barko at 167 na motorbanca bago bumiyahe.

Mananatili ang heightened alert ng coast guard hanggang September 1, 2023 para sa inaasahang pagdagsa ng pasahero sa pagbabalik ng klase.

Samantala, pansamantala namang sinuspinde ng PCG ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Northern Quezon dahil sa Bagyong Goring.

Pinaalalahanan din ng coast guard ang lahat ng mga sasakyang pandagat na magsagawa ng precautionary measure bago maglayag.

Facebook Comments