Kalaboso ang isang 27-anyos na babae matapos na mahulihan ng ilegal na droga nang sitahin dahil sa paglabag nito sa ipinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nakilala ang nadakip na si Marjean Espinosa, residente ng Pacis Street, BF Resort Village, Brgy. Talon 2, Las Piñas City.
Sa imbestigasyon, unang nakita ng mga pulis si Espinosa na pagala-gala sa labas ng village at tila hindi mapakali kaya hinayaan muna nila ito.
Ilang oras ang lumipas, sinita na nila si Espinosa dahil lumabag na ito sa curfew pero hindi pa rin ito umuwi hanggang sa mapilitan ang mga otoridad na dalhin na ito sa presinto.
Pagsapit sa himpilan ng pulisya ay dito na nakita sa pag-iingat ni Espinosa ang isang sachet ng shabu na may bigat na kalahating gramo at nagkakahalaga ng ₱3,400.00.
Aminado si Espinosa na gumagamit ng ilegal na droga pero todo tanggi na nagbebenta siya nito, kung saan ang nakuhang shabu ay para sa isang kaibigan na ilang oras niyang hinihintay pero hindi na sumipot pa.