Isang Barangay sa Cauayan City, 91 Katao na Lamang ang ‘di Nababakunahan

Cauayan City, Isabela- Nasa 91 indibidwal na lamang ang natitirang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 sa barangay District 2, Cauayan City, Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Brgy. Captain Miko Delmendo sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon sa Kapitan, umaabot na aniya sa 98% ang kanilang vaccination rate sa barangay dahil mula sa 5,601 na total population ng District 2 ay nasa 91 na residente na lamang ang hindi pa nababakunahan.


Ikinatuwa naman nito ang nasabing bilang ng mga bakunado sa kanyang nasasakupan dahil na rin sa patuloy na pagdagsa ng mga bakuna sa Lungsod.

Ilan naman aniya sa mga rason kung bakit mayroon pang hindi nababakunahan sa kanyang lugar ay dahil sa kanilang takot sa magiging epekto ng bakuna sa kanilang katawan, hindi available ang kanilang gustong brand ng bakuna habang ang ilan ay nagpaparehistro pa lamang lalo na sa mga kabataan na nito lamang pinayagan ng Department of Health (DOH).

Gayunman, hindi pa rin aniya sila titigil na hikayatin ang kanilang mga natitirang residente na magpabakuna.

Samantala, inihayag ni Capt. Delmendo na buo ang kanyang suporta sa isasagawang 3-Day Vaccination Drive ng pamahalaan na magsisimula sa November 29, 30 at December 1, 2021 at inaasahan nito na kukunin itong tyansa ng mga constituents na hindi pa nabibigyan ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments