Isasailalim sa isang linggong total lockdown ang Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City simula sa Huwebes, Mayo a-7.
Ito ayon kay Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos, kasunod ng napagpasyahan sa kanilang pagpupulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang pagsasailalim sa total lockdown sa Brgy. Addition Hills ay resulta ng rekomendasyon ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU na sinang-ayunan naman ng buong konseho ng naturang barangay.
Ayon kay Mayor Abalos, ginawa ang nasabing pasya dahil na rin sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa lugar kaya’t kinakailangan na nilang gawin ang angkop na hakbang upang masawata ito.
Habang nasa ilalim ng lockdown ang Barangay Addition Hills, sinabi ng Alkalde na magsasagawa sila ng random rapid testing sa 3,000 residente sa pamamahala ng CESU.
Maghahatid din ang Pamahalaang Lungsod ng food packs sa bawat bahay para sa lahat ng residente ng Barangay simula bukas Mayo 5.
Batay sa datos ng City Health Office, nasa 418 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 82 ang gumaling habang nasa 36 naman ang nasawi.