Isang barangay sa Pasay, naglabas ng schedule sa pagpunta ng mga residente sa mga pamilihan

Naglabas ng bagong schedule ang mga opisyal ng Brgy. 183, Zone-20, Villamor sa Pasay sa pagpunta o pagbili ng mga residente sa ilang pamilihan na sakop ng kanilang hurisdiksyon.

Ito’y alinsunod sa inilabas na memorandum ng Lokal na Pamahalaan ng Pasay hinggil sa oras ng pamimili ng mga residente.

Simula bukas, Biyernes, April 24, 2020, maari lamang lumabas ang mga residente ng Brgy. 183, Zone-20, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-6:00 hanggang alas-11:00 ng umaga at alas-4:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.


Ang lahat ng pamilihan, tindahan, kainan o restaurant ay sarado sa araw ng Martes, Huwebes at Linggo maliban sa mga botika, water stations, groceries at supermarket at iba pa na considered as essentials under Republic Act 11469.

Ang hakbang na ito ay upang malimitahan ang paglabas ng tao sa nasabing barangay at maka-iwas sa anumang banta na dala ng COVID-19.

Pinapaalalahanan din ang lahat na huwag lalabas ng kanilang mga tahanan kung walang quarantine/safety pass at isa lamang sa bawat pamilya ang puwede.

Kasama na rito ang walang suot na face mask, walang importante o emergency na gagawin.

Ang lahat ng lalabag sa pinaguutos ay may kaukulang parusa na nakasaad sa Republic Act 11469 o mas kilala sa tawag na “Bayanihan to Heal as One Act”.

Humihingi naman ng malawak na pag-intindi, kooperasyon at disiplina ang Barangay 183 sa kanilang mga residente para na din sa kaligtasan ng lahat.

Facebook Comments