Isang barko ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng Brgy. Wawa sa Nasugbo, Batangas.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), sumadsad ang LCT Metal Hawk sa kasagsagan ng malakas na hampas ng alon dulot ng pinaigting na habagat dahil sa Bagyong Maring.
Sa distress call na natanggap ng PCG mula sa Marine Vest Company, 17 mga tripulante, kasama ang kapitan ng LCT Metal Hawk ang sakay ng barko nang magka-aberya ang makina nito hanggang sa tuluyang sumadsad.
Ayon sa kapitan ng barko, galing sila ng Port of Subic sa Zambales at patungo ng Port of Nasugbu sa Batangas lulan ang may 1,000 metriko tonelada ng buhangin.
Agad naman na na-rescue ang mga tripulante at kapitan ng barko at nasa maayos namang kalagayan.
Inaalam pa ng PCG sa Batangas kung may panganib na oil spill o pagtagas ng langis mula sa sumadsad na barko.