Sumadsad sa baybayin ng Morong, Bataan ang isang malaking barko matapos hampasin ng malalaking alon dulot ng Bagyong Dodong.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), bandang alas-8:00 ng umaga nang mamataan ng mga residente sa Sitio Crossing Brgy. Poblacion ang pagsadsad ng MT Lake Caliraya.
Patungo raw sana ng Subic, Zambales ang nasabing barko ngunit dahil sa lakas ng hampas ng malalaking alon ay inanod ito sa dalampasigan ng Morong at tuluyan ngang sumadsad.
Ayon naman kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, gagamitin sana ng US at Philippine Marines ang nasabing barko para sa kanilang bilateral exercises.
Samantala, nailigtas naman ng PCG ang tatlong crew ng naturang barko.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG Bataan sa isang kompanya na may tug boat para hilahin ang sumadsad na barko.