Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang barko ang sumadsad sa dalampasigan ng Batangas City kahapon, dahil sa masamang panahon.
Ayon sa PCG Southern Tagalog, sinisikap nang alisin ang LCT Golden Bella na inanod ng malalaking alon at hampasin ng hangin dahil sa habagat dulot ng Bagyong Goring sa baybayin ng Barangay Ilijan, Batangas City.
Ang naturang barko ay may kargang mga cargo, trucks, containers, building materials, kotse at maging mga pasahero.
Batay sa ulat ng PCG, umalis ang nasabing barko sa Brooke’s Point sa Palawan na may mga kargang heavy equipment patungong Manila Bay.
Daraong lamang sana ang ito sa Batangas dahil sa sama ng panahon ngunit hindi nito kinaya ang malalakas na hangin at alon na naging sanhi ng pagsadsad nito.
Mabilis namang ni-rescue ng PCG ang mga tripulante ng barko gamit ang rubber boats.
Kargado rin ng 13,456 liters ng diesel at 173 liters na lube oil ngunit hindi naman daw ito magiging sanhi ng oil spill sa naturang karagatan.