Mahigpit na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Naguilian, La Union ang pagbabawal sa paggamit at pagpasok ng anumang uri ng paputok bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Ayon sa Municipal Ordinance No. 2020-233, layunin ng polisiyang ito na masiguro ang ligtas na selebrasyon at maprotektahan ang mga residente, lalo na ang kabataan, mula sa panganib na dulot ng paputok.
Simula noong 2020, taon-taon nang ipinatutupad ang ordinansang ito matapos itong maaprubahan. Mahigpit din ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa hanay ng kapulisan upang tiyaking nasusunod ito ng publiko.
Ang sinumang lumabag ay maaaring patawan ng multa na mula P1,000 hanggang P2,500. Bukod dito, pinaigting ng PNP Naguilian ang pagbabantay sa mga barangay at pampublikong lugar upang masigurong maayos ang pagpapatupad ng ordinansa at mapanatili ang kapayapaan sa bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨