Isang Bilanggo sa BJMP Ilagan, Positibo sa Sakit na Tuberculosis o TB!

City of Ilagan, Isabela – Positibo sa sakit na Tuberculosis o TB ang isa sa Persons Deprived of Liberty o PDL sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP sa lungsod ng Ilagan, Isabela.

Ito ang kinumpirma ni Jail Senior Inspector Jose Bangug Jr., Jail Warden ng BJMP City of Ilagan na aniya’y natukoy ang may sakit na TB matapos isinagawa ang medical check-up sa mga PDL nitong nakalipas na buwan ng Hunyo.

Sinabi pa ng opisyal na hindi maaring banggitin ang pangalan para sa proteksyon nito ngunit wala na sa selda upang magamot ang karamdaman at hindi mahawa ang iba pang PDL.


Idinagdag pa ni Jail Senior Inspector Bangug Jr. na patuloy ang kanilang monitoring sa kalusugan ng mga bilanggo upang masigurado ang kanilang kaligtasan sa anumang uri ng sakit.

Samantala sinisikap na sa ngayon na tapusin ang ekspansyon ng mga selda sa BJMP City of Ilagan upang magkaroon ng mas malawak na kulungan at para sa magandang kalagayan ng mga PDL sa naturang kulungan.

Facebook Comments