Isang bilyong pisong halaga ng shabu, nakumpiska sa isang Chinese national sa Valenzuela

Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit isang bilyong pisong halaga ng shabu sa kanilang ikinasang anti-drug operation sa isang subdivision sa Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.

Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, alas-4:30 ng hapon kahapon ng ikasa ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group at PDEA ang buy bust operation.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang Chinese national na si Tianzhu Lyu, 32 anyos at residente ng Fujian, China.


Nahuli rin ang kaniyang kinakasamang Pinay na si Meliza Villanueva, 37 anyos, residente ng Concepcion, Tarlac.

Nakuha sa kanila ang 160 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyon.

Batay sa pag-iimbestiga ng PNP, natukoy na ang nahuling Chinese ay kilalang drug dealer sa Metro Manila, Region 3 at Region 4A.

Sa ngayon, nahaharap ang dalawang naaresto sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments