
Naglabas ng flash alarm ang San Carlos City Police Station kaugnay ng umano’y pagkawala ng isang 32-anyos na lalaki mula sa Brgy. Naguilayan, San Carlos City, Pangasinan.
Kinilala ang nawawalang indibidwal bilang kasalukuyang nagsisilbing Barangay Treasurer ng naturang barangay. Ang ulat ay personal na isinampa sa pulisya ng kanyang ama, matapos umanong bigong umuwi ang kanyang anak mula Enero 21 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa salaysay, huling namataan ang lalaki sakay ng isang pulang motorsiklo, patungo sa city proper ng San Carlos. Lumitaw din sa imbestigasyon na bago ang pagkawala, ang nawawalang indibidwal ay nag-withdraw ng halagang ₱142,000.00 mula sa barangay honorarium, at mula noon ay hindi na umano nakauwi.
Inilarawan ang nawawala na may tinatayang taas na 5’6”, katamtaman ang pangangatawan, at huling nakitang nakasuot ng itim, pula, at puting striped na polo shirt at itim na shorts.
Patuloy ang koordinasyon ng pulisya sa iba’t ibang himpilan at hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na police station sakaling may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng nawawalang indibidwal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










