Isang bugaw na nagbebenta ng mga kababaihan, arestado ng NBI sa Taytay, Rizal

Puspusan ang kampanya ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa human trafficking, kung saan isang bugaw na babae na nagbebenta ng mga kababaihan sa mga parokyano ang naaresto ng mga operatiba ng NBI-Rizal District Office (NBI-RIZDO) sa Taytay, Rizal.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor ang suspek na si Angelica Ollague alyas Geca.

Ayon kay OIC Director Distor ang NBI-RIZDO, nakatanggap sila ng isang impormasyon na may nangyayaring human trafficking activities sa bayan ng Rizal kung saan iniaalok umano sa mga lalaking parokyano ang mga kababaihan na karamihan ay pawang mga menor de edad.


Napag-alaman na si alyas Geca ay nagmimintina ng mga prostitute na dinadala ng mga kliyenteng lalake sa isang hotel at resort upang doon makipagtalik kapalit ang pera.

Matapos makumpirma ng BI-RIZDO, nagsagawa agad ng surveillance at entrapment na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Geca at pagkaka-rescue sa siyam na kababaihan kabilang ang limang menor de edad.

Paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) at paglabag sa RA 7610 (Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang kasong isinampa ng NBI laban sa naturang bugaw.

Facebook Comments