Isang buwan na early voting sa mga senior citizens at PWDs, inihain sa Kamara

Itinutulak ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Kamara ang maagang pagboto ng mga senior citizens at Persons with Disabilities o PWDs isang buwan bago ang mismong araw ng halalan.

Inihain ni Ong ang House Bill 7868 bunsod na rin ng pangamba na posibleng hanggang 2022 ay mayroon pa ring banta sa kalusugan ang COVID-19.

Sa ilalim ng panukala o ang New Normal of Voting for Senior Citizens and PWDs Act of 2020 ay boboto ng mas maaga ng 30 araw o isang buwan ang mga matatanda at mga may kapansanan bago ang aktwal na pagdaraos ng Presidential at local elections sa 2022.


Bukod sa maagang pagboto ay pinatitiyak din sa panukala ang paglalatag at mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols sa lahat ng polling stations at mga establisyimentong maaaring gawing waiting areas.

Binibigyan din ng otoridad ang Commission on Elections (Comelec) na i-explore at i-develop ang early voting system sa pamamagitan ng postal o mail-in voting.

Pinagsasagawa rin ang komisyon ng public information campaign para sa epektibong partisipasyon ng lahat ng mga senior citizens at PWDs sa gaganaping halalan.

Facebook Comments