Isang buwang palugit sa housing loan payments para sa mga apektado ng kalamidad, ipatutupad ng National Home Mortgage Finance Corporation

Ipatutupad ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ang isang buwang moratorium sa amortization o buwanang bayarin ng mga housing loan borrowers na nakatira sa mga lugar na idineklarang state of calamity.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Shara Jane Falceso, OIC ng Securitized Accounts Division ng NHMFC, hindi muna sisingilin ang mga kwalipikadong borrower sa loob ng isang buwan.

Layunin nito na mabigyan sila ng ginhawa matapos maapektuhan ng mga nagdaang bagyo at lindol hanggang November 2, 2025.

Tinatayang nasa 822 accounts ang makikinabang sa moratorium kabilang ang mga borrowers mula sa Region IV-B (MIMAROPA), Region V (Bicol Region), at Region VI (Western Visayas) na tinamaan ng bagyong Nando at Opong, pati na rin ang mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Cebu.

Nilinaw naman ni Falceso na pansamantalang suspensyon lamang ito ng pagbabayad at hindi kanselasyon ng utang.

Ibig sabihin, maa-adjust lang nang isang buwan ang petsa ng pagtatapos ng kanilang loan amortization.

Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay konsiderasyong ibinibigay ng gobyerno upang maibsan ang pasanin ng mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.

Facebook Comments